Bisikleta
by Mariano
by Mariano
eto ako at walang preno
nais bitawan ang manibela
dere-derecho pababa sa burol
kung nasaan ang mapait na pamamaalam
minamadali ko na ang pagpapaandar
itinotodo ko na ang pagpedal
gusto ko nang rumagasa
at bumulusok paibaba tungo sa kabiguan
babangga sa pader ng kalungkutan
magtatamo ng mga galos ng pighati
at mga sugat ng mga ala-ala
na walang kasing-sakit
noo'y pinilit ko pang ipadyak
ang bisikleta natin paitaas
ubos-lakas na pagsisikap
nagpawis ako ng todo para sa atin
subalit napagod na ako sa pagpapaandar
ng bisikleta ng ating ibigan
paitaas sa burol kung san naroon
ang dati nating matamis na samahan
humantong na ako sa pag-aakay paakyat
subalit inabutan na ako ng pagod
wala pa man tayo sa kalagitnaan
patungo sa tuktok ng pagkakabalikan
ngayon ay wala nang hahadlang pa
sa pagpapasalida ko paibaba
sa ating bisikleta
na ako lamang pala ang nagdadala
ipinihit ko ang manibela
ikinabig ko pakaliwa
hinarap ko ang malayong landas
patungo sa ibaba
bakit nga ba humantong sa ganoon
ang ating pagsasamahan
mainit pa nung panimula
subalit ngayo'y dama ko na ang kalamigan
kalamigan ng simoy ng pag-iisa
di tulad nung kaangkas kita
puno ng init at maligaya nating binabagtas
ang daan ng matiwasay na pagsasama
hindi ko na ililiko
ang manibela ng bisikleta
tuloy-tuloy ang pagpapatakbo
kailanma'y di na muli pang babalik
narito ako't paibaba na ng burol
bumubulusok at rumaragasa
lilimutin kong pilit ang dahilan
kung bakit ka umangkas sa bisikleta ng iba Legga PiĆ¹...