Monday, May 12, 2008

Error

Conversation:

Boy: "Gusto ko sanang magreklamo tungkol sa ngipin ko kaso lang eh baka pagsabihan mo nanaman ako kaya hindi ko na lang irereklamo."

Girl: "Hahaha, alam mo na yon! Ano pa bang aasahan ko sayo aber? Sira-sirang ngipin at sunog na baga? Eeeww!"

Boy: "Tsk tsk tsk. Salamat sa realizations ha? Pupwede namang huwag nang umasa eh."

Girl: "Ewan ko sayo. Sige, sabi mo. Madali naman akong kausap eh. Anyway. sleep na ako."

Boy: "Sige goodnight."

Sapagkat kahit kailan, hinding-hindi na mababago ang pagiging bulok ni Boy sa tiyempo at pagbibitaw ng salita. Mga salitang magpapakunot ng iyong noo at mag-uutos sa iyong magpaalam ng biglaan para hindi na masundan pa ng mga walang kwentang kataga ang nauna nang binitawang pahayag. Nasira ang gabi ni Boy pero ang mas karumal-dumal doon ay sinira ni Boy ang gabi ni Girl.

Masama ito. Natulog pa si Boy ng may problema. Isang mapait na usapang gugustuhin na lamang niyang ibaon sa sulok ng mga panaginip at manalig na sana burado na ang lahat. Ang mga napag-usapan, ang mga nasambit, at ang walang kakwenta-kwentang pagrarason.

Sayang. Kung ang mga kaisipang tulad nito'y naging isang pagod na lamang na maaaring mapawi ng tulog. Subalit hindi. Ang naganap na pag-uusap ay tatatak sa isipan ni Girl at dadalhin niya ito hanggang sa kung kailan niya gustuhin. Hindi epektibo ang isang gabing pagtulog para sa ganitong klase ng alitan.

Boy: *Isinusumpa ko ang katauhan kong ito. Kahit gaano mo iwasang makapanggulo ng buhay ng may buhay, lalabas at lalabas talaga ang kagaguhan ng ugali at di na muli pang maiiayos ang mga bagay-bagay*

Kung mayroon mang pagkakataon na gagamitin laban kay Boy ang mga salitang nasambit niya ay marahil sa panahon ito ng pagbabalik ni Boy kay Girl.

Para saan pa ba ang pagbabalik ni Boy? Sa anong dahilan?

Natatakot siguro si Boy. Minsan na din kasi siyang umibig subalit nagpakaboloks siya't hindi niya ito binigyan ng sapat na halaga. Marupok ang kanyang kasanayan sa ibang bagay at duwag siyang masira ang mga bagay kung sasama siya kay Another Girl.

Pero ngayon, nilampaso na ng tadhana ang kapalaran ni Boy. Nananatiling isang uhuging batang walang matitirahan ang kanyang buhay-pag-ibig. Isang piraso ng papel na patuloy ang pagbasak sa isang malalim na bangin. Walang direksiyon at walang pupuntahan. Parang isang rumaragasang bato na madudurog sa dulo ng pagkakagulong nito mula sa burol.

Kung tutuusin, nasasanay na din si Boy na wala si Girl sa buhay niya. Minsan na din niyang naitanong kung karapat-dapat pa nga ba siyang maging tagapagbigay-ligaya kay Girl kung ang sarili niyang ugali, buhay, at katauhan ay hindi niya maiakma sa simpleng hiling ni Girl. Nasaan pa ba ang kaligahayan doon? Wala. Kung ang mga simple, hindi magawan ng paraan, saan ka maghahanap ng paraan para sa komplikadong mga bagay?

Marahil ay ganoon na nga lamang ang kapalaran ni Boy. Hindi siya angkop sa panlasa ni Girl at wala siyang balak pang guluhin ang matiwasay at maligaya pang buhay ni Girl. Alam naman ni Boy na maligaya na at mas liligaya pa si Girl sa piling ni Another Boy. Suwerte na si Girl kay Another Boy at gayun din naman si Girl kay Another Boy.

Lumilipas ang panahon. Natututo ang mga tao. Nagkakaroon ng katuturan ang mga pananaw nila sa buhay. Habang tumatagal, nagbabago ang tingin mo sa kung ano ang mahalaga at malalim kaysa sa mga dapat na balikan na puro naman kababawan. Ang kahulugan ng pag-ibig ay nababago mula sa simpleng pagsasambit ng "mahal kita" patungo sa mga bagay na makapagbibigay sa iyo ng lubos na ligaya tulad ng pagiging mahusay na kasama salahat ng oras, sa carnival man o sa comedy bar, maging sa mga panahon na nalulumbay ka't pasan mo ang daigdig.

Kung saan mang puntong babawiin ni Boy si Girl eh walang nakaalam. Marahil hindi na din magpupumilit si Boy. Wala nang lugar sa paghingi ng paumanhin sapagkat mayroong 90% hindi ito tatanggapin at magmimistulang isang pelikulang mahigit isandaang beses nang naipalabas sa iisang istasyon ng telebisyon.

Tatanggapin na lamang niya ang mga wikang masasambit ni Girl.

Maaaring ito ay ang mga sumusunod (O di kaya'y malapit sa kaisipan ng mga sumusunod):

1. Hindi ka lumaban/Hindi mo ako ipinaglaban.
2. Simple lang ang gusto ko, hindi pa mapagbigyan.
3. Wala kang kwenta.
4. Walang saysay ang buhay mo.
5. Hindi na kita gusto pang makasama sa buhay ko.
6. Ano man sa kombinasyon ng lima.

*Paunawa, ang mga naturang salita ay hindi tumutugma sa katauhan ng magsasalita.*

Ano ngayon ang kahahantungan ni Boy? Wala. Mamumuhay siya ng hindi na iisipin pa ang kinabukasan nila ni Girl. Ika ni Boy, dadating yun kung dadating. Sa kasalukuyan, magmamasid na lamang siya sa kaligayahang tinatamasa ni Girl at Another Boy kahit sa kalooban niya'y hitik ang pighati at sakit na nadarama.

Hindi na lalaban si Boy. Hindi dahil sa duwag siya subalit ayaw niyang sirain ang buhay ni Girl. Tatapusin na niya ang kanyang pantasya at babalik siya sa katotohanang hindi malayong magkatotoo ang plano ni Another Boy para kay Girl. Magiging maligaya siya sa payapang pagsasama ni Another Boy at Girl sa loob ng tatlong taon.

"Mabuhay ang bagong kasal." Ito na lamang ang masasambit ni Boy sa mga susunod pang taon.

Ayaw na ni Boy na maging H-Monster pa siya sa buhay ni Girl -- Ang H-Monster na lubos nang kinasusuklaman ni Boy.

Ayaw na niyang maging isa pang H-Monster.

Sapat na ang isa. Mamatay sana si H-Monster.

Kumbaga sa wakas ng isang pelikula, lilingunin na lamang niya ang landas na pinanggalingan, ngingiti ng bahagya, lalakad papalayo at hindi na muli pang lilingon muli, na ang mga kamay ay nakapamulsa at mayroong hanging banayad na umiihip.

Paalam.