Wednesday, February 13, 2008

Birthday

Isang araw sa buhay natin na nagpapaalala sa atin na may katapusan ang mortal nating katawan dito sa lupa.

Ang nagtatakda ng bilang sa kung saan dapat ay akma na ang ating katayuan sa buhay.

Ang bilang na tagatakda ng panahon ng pag-aasawa.
Ang bilang na nagtatakda ng panahon ng pag-iwas sa bisyo at pag-aalaga sa kalusugan.
Ang bilang na nagtatakda sa pagtigil sa pagtatrabaho at mabigyan ng kaukulang tulong ng gobyerno.

Ang araw na isinilang ka sa mundo.

Sa araw na ito, nagdidiwang ka sa pamamagitan ng paghahanda at pagsasaya. Ito ang araw mo. Ikaw at ang mga kapareho mo ang nagmamay-ari ng buong araw na ito.

Ito ang araw ng iyong kaligayahan.

Subalit para sa akin, ito na ang simula ng pamamaalam.

= = = = = = = = = = = = =

Tinungo ko ang inyong tahanan upang bistahin ka at kamustahin. Araw mo ito. Marahil ito na ang tamang panahon upang mamaalam. Isang mainam na marka ang aking iiwan sa nag-iisang araw mo sa buong taon.

Paalam sa nakaraang samahan. Sa nakalipas na panahon ng kaligayahan at sa alaalang pilit sinasariwa sa araw-araw.

Paalam na.

Pilitin mang ibalik sa dating mapayapang mga oras na tinatamasa natin ang piling ng isa't-isa'y di na magaganap pa.

Wala na ang kaarawan mong pinagsasaluhan natin sa bawat taon.

Wala nang kahulugan ang pagbisita ko sa iyong kaarawan. Isa na lamang ako sa maraming taong sinasalubong mo at pinapapasok upang kumain, bagkus ay hahayaan na lamang makihalubilo sa ibang bisita.

Narito na lamang ako't kasama ng mga kaibigan nating kumakanta na lamang sa videoke habang pinagmamasdan kang maligayang kumakain kasama ang iyong kasintahan. Nababalot ng masasayang tawanan ang kalungkutan ko subalit kailangang gawin ito.

Paalam.

Nawa'y nagustuhan mo ang aking regalo. Alagaan mo ito ng husto. Gaano man ito kasimple, nawa'y sa tuwing makikita mo ito ay maaalala mo ang katauhan ko. Na minsan may isang taong nagbigay sayo ng galak at kasiyahan.

Hindi na ito ang regalong inaasahan mo. Alam kong mula sa iba na ang tunay na regalong makapagbibigay sa iyo ng ligaya.

Ang bigay ko'y isa na lamang bagay na binalot ng papel at maaaring ang pinakahuli mong bubuksan.

Paalam.

Alam kong sa oras na ako'y makauwi, hindi ang tawag ko ang iyong hinihintay. Matatapos na lamang sa isang maligayang araw ng pagdiriwang ang ating nakaraang pag-iibigan.

Dito ko na lamang iiwanan sa iyong kaarawan ang lahat ng aking nararamdaman.

Paalam.

Ngayong kaarawan mo ang magiging paalala ko sa aking sarili na kalimutan ka. Ikaw at ang araw na ito.

Ito ang aking panimula. Magmula ngayon, sa iyong kaarawan hanggang sa kailanman ako abutin ng pamamayapa ng aking isipan, at sisimulan ko na ang paglakad mula sa iyong anino. Maligaya ka na, hindi dahil kaarawan mo, subalit wala na ako sa piling mo.

Matatapos na ang kaarawan mo.

Hanggang sa susunod na kaarawan mo, nawa'y naroon pa din ako, kahit man lang sa alaala mo.