Wednesday, August 6, 2008

Still

Bunga ng Maghapon
by Sancho D

ang mga mata natin
nakatutok sa isa't-isa
na parang mga hibla ng sapot
malagkit at nakabinbin sa hangin

isang maghapon
na punung-puno
ng mabagal na pagdaloy
ng ating kamalayan

ako'y pagod sa mga tanong
kung paanong ang isang
tulad ng masayang kahapon
ay nagdaraan sa putikang landas

na mistulang ang mga salita
ay tila pulot pukyutan
mabagal ang patak
mula sa garapon ng pagiisip

sa mga panahong tulad nito
pumipilantik ang pagtataka
na kung ano ang kinabukasan
kung nagmula ito sa munting simula

at hindi rumagasa't bumigla
sa hanay ng masidhing damdamin
kasabay ng pagtataka kung ano ang dulo ng silid
na nagmula sa pangingilatis ng bawat isa

mabagal ang daloy ng ating pangunawa
ang wari ko'y mahamog ang aking patutunguhan
nais ko ang ilaw mula
sa lampara ng iyong pakikisama

sapagkat ikaw ang papawi
sa agam-agam kong
dulot ng iyong
mga nakabiting pagtitig