Nakalimutan ko nang nawawala nga pala yun. Dalawang buwan ko nang hindi nagagamit magmula nung naiwan ko ito sa Batangas at nawala.
Hindi na ang ibinigay mo ang suot-suot ko ngayon. Iba na ang ginagamit ko. Hindi na ang itim na leather belt na may tatak na bakas ng paa sa kabilang dulo ang nakapulupot sa aking bewang sa tuwing aalis ako at nakapantalon.
Bago pa man ito nawala ay bakas na dito na gamit na gamit ito at napagluma na din ito ng panahon. Kulubot na ang mga butas at tapyas na ang itim na balat nito.
Natatandaan ko pa ang ligaya na dulot ng regalo mong ito. Matagal na din siya sa akin. Tatlo? Apat na taon? Di ko na din maalala. Ang alam ko lang ay ang pakiramdam ng kasiyahan nung binuklat ko siya mula sa kanyang pagkakabalot. Miski ang okasyon ng pagkakabigay mo nito sa akin ay hindi ko na din matandaan kung ano -- kung birthday ba o pasko, kung monthsary ba yun o kung kailanman. Salamat sa pagbibigay nito at natapos na din ang panahong araw-araw akong naka-garrison belt ng CAT dahil wala akong ibang sinturon.
"Hindi ko na din po nakikita simula nung ipinakita ninyo sa aking nakarolyo dyan galing sa bag ni tatay. Baka nga nadala niya ulit pabalik ng Batangas eh."
Misteryoso ang pagkawala. Hindi ito mahagilap sa maliit na espasyo ng kwarto nila ermats. Kulang na lang itaob na ang silid para lang makita sa sobrang kakahalughog pero wala pa din. Parang nilamon ng mga pader at mga sahig ang naturang sinturon.
"Dito ko lang isinabit sa may kabinet na ito. Baka naman nadala ng pinsan mo? Kahit saan hanapin eh wala!" Banggit ni ermats.
Bakit nga ba pilit pang hinahanap ang wala na. Kunsabagay ano pang saysay ang hanapin ang nandiyan lamang at nakakalat. Isang katangahang maghanap ng nakabuyangyang na bagay na tutuklawin ka na kung ahas man yun.
Nakakapagtaka. Halos wala pang isang linggo ang pagitan ng pagkawala ng sinturon na bigay mo, ganun din naman ang pagkawala mo sa buhay ko. Marahil isa itong senyales. Marahil dapat na akong masanay na wala sa bewang ko ang sinturon na ibinigay mo.
Kunsabagay, nasasanay na nga ako. Ilang buwan na din ang dumadaan na di ko ito ginagamit sa kabila ng araw-araw kong lakad na dapat ay ang sinturon na yun ang suot ko. Wala na ang mahigpit nitong yakap sa aking bewang at ang suporta na natatamo ko galing dito sa tuwing maluwag ang aking pantalon. Di ko man naranasang mahubuan ng pantalon ay hinahanap-hanap ko pa din ang pakiramdam nito. Isa na ngang ritwal ang pagsusuot nito sa araw-araw.
Nakakatuwa ang pangyayari. Nawala ang sinturon at nawala ka din. Gumagamit na ako ng ibang sinturon ngayon. Balik sa garrison belt pero mas classy.
Unti-unti nang nawawala ang kagustuhan kong hanapin pa ang regalong bigay mo. Hahayaan ko na lang siyang kainin ng alikabok at tuluyan nang masira. Wala na akong balak na maisuot pa itong muli at maipulupot sa aking bewang.
Ang tanging iisipin ko na lang sa sinturong iyon ay kung papaanong palaging dumadampi ang malamig na buckle nito sa aking balat, gaya ng kalamigang dulot sa aking damdamin ng pagkawala mo.
"Pabayaan niyo na yun Nay. Okay na po itong gamit ko ngayon. Baka nawala na ng tuloy, wala na tayong magagawa."
Kalimutan na ang sinturon.
Bibili na lang ako ng masisikip na pantalon.