Monday, January 14, 2008

Fennytense

Narito nanaman ako, nakakaalala ng mga bagay-bagay na iisa ang tema, iisa ang kwento, iisa at paulit-ulit. Nakakasawa na.

Mula nung isang taon, hanggang ngayon, nagpepenitensya pa din ako.

Matagal nang tapos ang mahal na araw, nabuhay nang muli si Kristo, pero eto pa din ako at di maiwasang parusahan ang sarili ko sa mga bagay na nagawa ko't pilit na pinagsisisihan.

At mas malala pa dito ay ang mga bagay na hindi ko ginawa.

Paulit-ulit ang hagupit sa mga pagkakataong gusto kitang kalimutan. Gusto kong mag-move on, ika nga ng mga eksperto. Gusto kong maging maligaya nang wala ka. Gusto kong kalimutan ang mga bagay na binabanggit mo sa akin, at mga mga bagay na nakikita ko.

Magteteks ka nanaman. Mamaya niyan, mapuputol nanaman ang usapan ninyo at hindi niya papansinin ang walang kwenta mong kadramahan tungkol sa inyong dalawa. Gusto mo ba talaga siyang i-text?

*Ngayon lang ito. Bukas hindi ko na siya ite-text*

Araw-araw namang may bukas. Araw-araw mo ding kinakain ang sinasabi mo.

*Basta, magte-text ako.*

Ako: Kamusta ka na?
Eto ok lng.
Ako: Kamusta ka naman? Anong meron sayo?
Wala, bc p dn nmn. Sa work.
Ako: Aaah. Kamusta na kayo ni Paulo?
Haha, bat k nangamsta bgla?
Ako: Wala naman, naisipan ko lang. Di ka naman kasi nagkukwento.
Hehe, yaan mo magkkwn2 dn ak mnsn. My new nga pala kmi pics s Fster. Chek m n lng dn.
Ako: Haha, ganun? Sige sige,check ko na lang.

Ayaw ko pero gusto ko. Nilalabanan ng mga daliri kong i-type ang profile mo dun. Mukhang karimarimarim ang makikita ko. Mas matindi pa sa pinagsamang scandal ni Lolit Solis at Madame Auring. Sabagay, kaya ko pang indahin yun kung sakaling sila nga.


Pero ang litrato mong may kasamang iba? Hindi ko ata kakayanin. Mukhang matitigilan ako't magiging bato sa loob ng ilang minuto habang nakadikit ang mata ko't pinagmamasadan ang mukha mong maligaya sa piling niya.

Pinag-isipan ko kung ano ba ang papasukin kong ito. Sanay ako na nakikita kang mag-isa sa mga litrato mo sa Internet. Maligaya ako bago pa man naging kayo dahil ikaw lang ang nakikita ko sa profile mo.

At narito na ang panahon ng kasakitan. Dumating na ang panahon na kayo nang dalawa ang makikita ko diyan.

Labanan mo ang kagustuhan ko, mahal kong mga daliri. Ipihit mo ang mouse papunta sa kanang-itaas ng screen at i-click ito. Yung letrang X. Bilis!!!

Haaay, ayan na nga ba. Isang malupit na hagupit ang bumalot sa akin. Parang bungkos ng patpat ng kawayan na tumama sa sugatan kong likuran. Parang mainit na pakiramdam ng semento na puro maliliit na bato ang tumutusok sa aking paanan. Parang matinding sinag nang araw sa aking balat.

Parang isang tinik na korona sa aking ulo. Parang isang mabigat na krus sa aking balikat.

Ang OA ko naman. Picture nyo lang namang dalawa ito. Sus, para akong tanga dito. Pupunta ako dito tapos ito ang mararamdaman ko. How estoofid. I can handle this. Konting breathing procedures lang eh okay na ako.

*Teka, marami pang iba...*

Hayaan mo na nga yan. I-close mo na. Sapat na ang primary photo para tanggalin ang lahat ng kagustuhan mong mabuhay. Wag mo nang patayin ang sarili mo nang paulit-ulit sa pagtingin pa sa ibang litrato.

*Saglit lang naman ito*

Bahala ka. Ginusto mo yan. Kung ano man ang makikita mo diyan, dapat tanggap mo. Alam mo naman kung papaano magmahal ang babaeng yan. Sa litrato pa lang malalaman mo nang mahal niya ang tao. Camwhore pa man din siya.

*Ang sweet naman ninyong dalawa. Parang tayo lang noon. Dapat kasi, ako pa ang nandito ngayon at hindi itong lalaking ito. Pero wala naman akong magagawa. Mas mabuti siyang tao kumpara sa akin. Respeto na lamang para sa mga ginawa niya para sa iyo. Andami nyo na din kasing napagsamahan eh. Kung lumaban lang ako. Kung pinaglaban ko lang ang nararamdaman ko nung nagkakalabuan tayo. Kung nagsikap lang sana ako. Kung kumilos na lang kaagad sana ako.*

Sabi sayo masakit eh. Sige lang, umiyak ka lang. Andami-dami mong reklamo. Ambigat tuloy ng sakit na dinadanas mo. Lagi ka na lang nagkakaganyan.

Hanggang kelan ka ba magpepenitensya?

Penitensya. Isang bagay na ginagawa ng makasalanang tao upang makabawi sa kasalanan niya.

Hindi pala ito ang tamang kahulugan ng ginagawa ko sa sarili ko. Marahil sa maliit na paraan, penitensiya ito. Pagbabayad ng kasalanan sa pamamagitan ng pagpapahirap sa sarili.

Masochista ata ang tamang term. Nagugustuhan mong nasasaktan ka. Naadik ka sa pakiramdam ng sakit. Gustong lagi itong nararanasan.

Nagugustuhan mo ang pakiramdam na makiusisa sa kabila nang mga bagay na di mo naman kakayanin.

Masaya ka sa kanya. Nasasaktan ako sa tumatambad sa akin.

Mabigat ang patak ng luha. Parang pagpapako ng paa't kamay ko nang nakadipa. Nararamdaman ko ang bawat pagbaon ng pako sa bawat paglipat ng pahina ng inyong litrato.

Masakit.

Pero gusto ko ang sakit dahil sa kabila nito, naroon ang kaligayahan mong dulot ng iba.